5 Ways on How to Overcome your Debt

Baon ka ba sa utang ngayon? Feeling mo ba, hindi mo na alam ang gagawin mo sa sitwasyon mo ngayon? Pakiramdam mo wala ka ng pag-asang makaahon pa sa pagkabaon sa utang? Ang buhay mo ba ay from pay check to pay check o kung minsan ay kulang na kulang na hindi pa dumarating ang susunod na sweldo ay may utang ka na agad na dapat mong bayaran?

Ang lahat ng ito ay nasa isip lang at tamang pagdisiplina sa sarili ang kailangan. Una sa lahat, “mind setting is the key to overcome every emotions”. Kung sa isip mo ay hindi ka na makakaahon ay talagang hindi ka na makakaahon. Ang buhay mo ay magiging paikot-ikot lang sa utang, bayad at utang ulit. Ito ang tinatawag na “rat race”. Paikot-ikot at paulit-ulit na walang nangyayaring pagbabago.

Pero kung i-set mo ang mind mo na may magagawa ka pang paraan para hindi umikot ang mundo mo sa utang lang ay talagang magagawa mo. Ang mind kasi natin kung minsan ay mapanlinlang, kailangan lang nating ilihis sa tamang pag-iisip at tamang disiplina.

Narito ang limang bagay na pwede mong gawin o pagisipan para malampasan mo ang mundo ng pagkabaon sa utang o ang rat race world:

1. Where I Am?

Una sa mga dapat mong gawin ay kailangan mo munang malaman kung nasaan ka pagdating sa inyong financial status at mga utang. Ilista mo ang lahat ng detalye ng utang mo sa isang malinis na papel o kaya sa notebook o diary. Pwede mo rin ilagay o i-type sa computer o laptop kung meron ka para mas madali mong ma-edit o  maprint kung kailan mo gusto. Sa ganitong paraan makikita mo ng maliwanag kung magkano ba lahat ang utang mo at para malaman mo kung paano didiskartehan ang pagbabayad nito. Magandang habit din ang paglilista dahil dito nagiging organisado ang lahat ng mga ginagawa mo pagdating sa pinansyal mong estado.

2. Stop, Look and Listen

Stop

Kapag may utang ka o baon ka sa utang isa sa dapat mong gawin ay huminto. Huminto in the sense na, dapat huminto ka na sa pangungutang. Kapag kasi may utang ka at hindi mo naman ito nababayaran o partial lamang ang pagbabayad mo at tapos ay uutang ka pa ulit kahit hindi mo pa tapos bayaran ang una mong utang ay mas lalo mo lang binabaon sa utang ang sarili mo hanggang sa hindi ka na makaahon.

Ihinto mo na lahat ng pagutang mo sa ngayon at mag-focus ka sa pagbabayad nito. Isa pa sa dapat mong ihinto ay ang bad spending habits. Wag ka na muna bumili ng mga bagay na hindi mo naman kailangan. Sabi nga ni Warren Buffet, “If you buy things you don’t need, soon you will have to sell things you need”.

Ang pagtitiis ang isa sa malaking factor habang may utang ka. Kung magagawa mo na magtiis lang muna na wag maging maluho o wag bumili ng mga bagay na hindi naman kapakipakinabang ay wag ka munang gumastos para dito. Ito naman ay para sa ‘yo din at ito naman ay pansamantala lamang habang may utang ka.

Look

Tingnan mo kung ano ang magagawa mong paraan para makabayad ka sa mga utang mo. Kung ikaw ay walang trabaho o nawalan ng trabaho, dapat gumawa ka ng paraan para makapagtrabaho ka. Dito mo kasi kukunin ang pambayad mo sa utang mo. Kung wala ka kasing trabaho at wala ka din pinagkakakitaan man lang ay paano ka makakabayad sa utang mo. Lalaki lamang ang interest ng mga utang mo hangga’t hindi ka nakakabayad man lang kahit minimum.

Tumingin ka kung anong mga posibleng pagkakitaan mo o oportunidad para makadagdag sa income mo. Tingnan mo kung pwede ka din magbenta ng ilang mga gamit mo na hindi ka naman apektado kung ito ay mawala sa ‘yo. May mga site sa internet tulad ng olx.ph, sulit.ph, muradito.ph, buyandsellph.com, etc.. na kung saan pwede kang magbenta ng mga gamit mo kahit pa ito’y secondhand na lang. Sa ganitong paraan magkakaroon ka kahit konting extra income habang naghahanap ka ng trabaho.

Pwede mo rin tingnan sa pamamagitan ng pagbabasa ang mga naging experience na ng ibang mga nabaon sa utang at kung paano sila nakaahon o nakabayad ng utang. Marami kasi ngayon ang nagbabahagi na ng kanilang mga naging experience habang sila ay may utang at paano nila ito nalampasan. Sa pamamagitan nito makakakuha ka ng ilang tips o strategy kung paano mo haharapin ang iyong mga utang. Maari kasi na ang pinagdadaanan mo ngayon ay napagdaanan na nila kaya magiging malaking tulong ito para sa ‘yo. Para hindi ka na rin magisip pa ng mga paraan kung paano mo gagawin ang pagbabayad ng utang.

Listen

Ang pakikinig ang isa sa mabisang factor sa maraming bagay. Minsan hindi mo kailangang magsalita at dapat mo lang gawin ay ang makinig. Makinig ka sa payo ng iyong pamilya o ilang malalapit mong kamag-anak o kaibigan tungkol sa iyong mga utang o kaya naman ay sa mga napagdaanan nila na may kinalaman sa utang. Pwede mo rin silang hingan ng mga suhestyon kung magagawa mo kung paano mo malalampasan ang sitwasyon mo pagdating sa pangungutang.

Maganda din kasi minsan yung nakikinig ka lang dahil mas lalong pumapasok sa isip at puso mo ang mga pinapayo sa yo at mga nasasabi ng ibang tao. Isa pa sa magandang gawin ay listen to your instinct. Minsan kasi ikaw mismo mararamdaman mo kung ano ang makabubuti at makasasama sa ‘yo. Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang instinct na nakakatulong sa atin sa mga panahon na kailangan natin ng pagpapasya.

3.  The Snow Ball and Debt Stacking Attack

Snow Ball

Ano ba ang “Snow Ball” attack pagdating sa mundo ng kautangan? Ang “Snow Ball” attack na tinatawag pagdating sa pangungutang, ito yung paraan ng pababayad ng utang na kung saan ang una mong binabayaran ay yung may pinakamaliit na halaga. Dito na pumapasok ang kahalagahan ng ginawa mo kanina na paglilista ng lahat ng utang mo. Ilista mo yung pinakamaliit mong utang hanggang sa pinakamalaki.

Tapos una mo munang bayaran yung may pinakamaliit na halaga hanggang matapos mo ito at magpatuloy sa sunod na mas mataas na halaga paakyat. Ang layunin ng pagbabayad mo ng maliit na utang mo ay para makatapos ka ng isang utang ng paunti-unti ng hindi masyadong mabigat para sa ‘yo. Kapag nakabayad ka kasi o nakatapos sa pagbabayad sa maliit mong utang ay nagkakaroon ka ng self fulfillment at encouragement na kaya mong magbayad ng utang.

Habang ginagawa mo ito ay hindi mo namamalayan na unti-unti mo na palang nababayaran ng paisa-isa ang mga utang mo hanggang sa matapos mo lahat ng utang mo. Isa ito sa magandang strategy sa pagbabayad ng utang dahil sa maliit mong binabayaran nagkakaroon ka ng extra pang pera para pambayad naman sa iba mo pang utang nang sa gayon ay mapadali ang pagbabayad mo ng lahat mong utang.

Debt Stacking

Ano naman ang “Debt Stacking”? Ang “Debt Stacking” naman ay paraan ng pagbabayad ng utang na kung saan ang una mong binabayaran ay yung utang mo na may pinakamataas na interest. Di gaya ng snow ball, dito naman ililista mo ang utang mo simula sa may pinakamalaking interest hanggang sa may pinakamababang interest.

Maganda ito kung ang utang mo ay nagmumula sa mga credit cards na nagamit mo. The more na binabayaran mo ang may pinakamalaking interest sa utang mo, the less naman na interest ang babayaran mo sa mga susunod mong pagbabayad. Sa ganitong paraan mas nakikita mo na mas bumababa ang binabayaran mo kumpara sa mga nauna mong pagbabayad.

4. Change your Lifestyle

Isa pang way para ma-overcome mo ang iyong mga kautangan ay dapat mong baguhin ang lifestyle mo. Kung dati ay madalas kang uminom ng kape sa mga mamahaling kapehan gaya ng Starbucks o kaya naman ay kumakain sa mga mamahaling fine dining resto, mas makabubuting baguhin mo muna ito habang ikaw ay may utang pa. Ito’y pansamantala lamang habang ikaw ay may utang at pwede mo naman ito gawin ulit kapag nakaahon ka na sa mga utang mo. Pwede ka naman munang mag-kape ng normal na kape o yung 3 in 1 instant coffee.

Sa pagkain naman ay mas makabubuting magluto ka na lang sa bahay para hindi ka masyadong magastusan. Kumbaga nagtitipid ka ngayon para makabayad ka muna sa mga utang mo at kapag natapos mo na ang utang mo ay pwede mo na ulit gawin ang mga bagay na ganito dahil alam mong may extrang pera ka na.

Huwag ka rin masyadong maging galante sa panahong may utang ka na para bang tumama ka sa lotto at ang dami-dami mong extrang pera para ipamudmod ito. Bili dito, bili doon. Gastos dito, gastos doon. Isa sa pinakamagandang gawin mo ay gumawa ka ng budget, para malaman mo kung saan napupunta ang pera mo. Pwede mo itong ilagay sa malinis na papel o tulad ng paglilista mo sa mga utang mo, pwede mong ilagay sa notebook, diary o kaya naman sa computer.

Dito mamomonitor mo ang bawat galaw ng pera mo at makikita mo ang mga bagay na binibili mo na hindi pa naman kailangan sa ngayon. Kapag may budget ka kasi magagastos mo ng maayos ang bawat pera mo sa mas maayos na paraan. Isa itong magandang habit na makakatulong sa ‘yo para din madisiplina mo ang sarili mo sa walang patid na paggastos sa mga bagay na hindi naman kailangan.

Isa sa mga dapat mong baguhin habang may utang ka ay ang tradisyon na kapag may handaan o okasyon ay kuntodo handa at pabongga kahit wala namang pera o baon sa utang. Ang ginagawa kasi natin minsan ay umuutang tayo para lang may ipanghanda na sa tingin ko ay hindi naman dapat. Dahil lalo ka lang mababaon sa utang.

Bongga nga ang handa mo at napasaya mo nga ang lahat ng mga dumalo pero pagtapos naman nito ay mamomroblema ka sa pagbabayad ng utang para sa mga hinanda mo. Pagtapos ng handaan, masaya sila pero ikaw malungkot at baon pa sa utang.
Hangga’t maaari iwasan mo ang mangutang para lang may ipanghanda. Pwede mo naman gawin ang isang okasyon sa isang simplemang handaan lang na hindi mo kailangang mangutang.

Lagi mong tandaan mas masarap at mas masaya ang buhay kapag walang utang. Iba kasi kapag alam mong may utang ka. Nakakadagdag sa stress ang pagiisip sa mga utang at kung paano mo ito babayaran lalo na kung may mga interest at due date ang mga utang mo. Ibig sabihin araw-araw, linggo-linggo o buwan-buwan kasama sa mga iniisip mo ang utang mo. Hindi ba nakakastress yun?

Kung magagawa mong baguhin ang lifestyle mo sa ngayon ay gawin mo para makaraos ka sa pagbabayad mo ng utang mo. Makikita mo pagtapos mong makabayad sa lahat mong utang, magiiba ang pananaw mo sa buhay. Mas pahahalagahan mo ang bawat pera na kinikita mo at mas lalo kang magiging disiplinado na madadala mo sa iba pang aspeto ng buhay mo.

5. Say A Little Prayer

Isa pa sa mabisang paraan para malampasan mo ang iyong mga utang ay ang pagdarasal. Ang pagdarasal ang isa sa pinakamabisang sandata sa lahat ng bagay. Ginagawa nitong mas malinaw ang isipan mo para harapin ang mga problemang dulot ng iyong mga utang. Sabi nila, “prayers do miracles” at totoo ito sa maraming bagay.

Kapag nagdarasal ka kasi mas gumagaan ang pakiramdam mo at parang nailalabas mo ang lahat ng mga nakatagong emosyon sa sarili mo. Kumbaga naihihinga mo sa Diyos ang lahat mong problema kaya’t gumagaan ang loob mo pagtapos mong magdasal. Malaking tulong ito dahil nagiging matatag ka at nabibigyan ka ng bagong pag-asa o pakiramdam na ang utang mo o ang problema mo sa mga utang mo ay magkakaroon ng solusyon.

Sobrang nakapahiwaga at hindi maipaliwanag na sa pagdarasal ay parang lumalakas ang loob mo na magagawa mo ang lahat dahil laging nandyan ang Panginoon para umagapay sa ‘yo. Magtiwala ka lang at lahat ng mga problema mo sa utang ay magkakaroon ng kasagutan sa tamang panahon basta’t maghintay ka lang at gawin ang nararapat mong gawin upang malampasan mo ang mga pagsubok pagdating sa iyong mga utang.

Lagi mong tandaan, habang buhay may pag-asa basta’t manalig ka lang sa Panginoon at sa iyong sarili. Kung kaya ng iba, bakit ikaw hindi? Kaya mo yan!

Photo: CTTO