High School Life

My One High School Life

Isa na yata ang high school life sa pinakamasayang yugto ng ating buhay. Dito tayo nagsimulang matuto sa maraming bagay ukol sa buhay. Sa high school life din natin naranasan ang iba’t ibang uri ng emosyon.

Ang saya ng high school dahil halos simula 1st year hanggang 4th year ay kayo kayo pa din ang magkakasama. Lahat ng kulitan, asaran, lokohan, biruan, awayan at tampuhan ay iyong mararanasan habang ikaw ay nasa high school.

Dito rin nabubuo ang iba’t ibang barkadahan at pagkakaibigan tunay na walang iwanan. Sobrang saya sa high school lalo na kapag oras ng klase. Yun tipong magtatanong si titser tapos hindi mo alam ang sagot pero magtataas ka pa din ng kamay dahil maraming kamay ang nakataas at umaasa kang hindi ikaw ang matatawag.

Naalala mo ba yung panahong wala kang sagot sa assignment tapos tatayo kayo sa likod bilang parusa at mahihiya ka kasi nakatingin sa ‘yo ang crush mo? Eh yung naglilinis kayo ng buong classroom gamit ang bunot at walis tambo kasama ng floor wax para mapakintab ang buong sahig kahit alam mong sa bahay ay hindi ganun kalinis ang sahig n’yo.

Nakakatuwang isipin at balikan ang masasayang alaala ng ating high school life. Naalala n’yo rin ba yung first love n’yo nung highschool na sa tuwing may klase na nakatayo at sumasagot ang crush mo ay tatabigin ka ng katabi mo at magsasabing “uuyyyy si crush”. Tapos ikaw naman ay mangingiti dahil alam mong s’ya ang crush mo. Dito mo rin makikila ang first love mo na para bang ang buong mundo ay puno ng pag-ibig.

Sa high school din lalabas lahat ng kalokohan tulad ng pagpapangalan sa mga titser na terror pagdating sa klase. Natandaan mo ba nung pinako yung notebook mo sa mesa ng upuan dahil napagkatuwaan ka ng barkada? Eh yung dumaan ka sa bakod ng eskwelahan dahil hindi ka pinapasok ng gwardya dahil di mo dala ang school ID mo o mahaba ang buhok mo na ipinagbabawal noon sa high school.

Sobrang hindi mo makakalimutan ang high school life dahil sa mga pangyayaring nagbigay sa ‘yo ng lubos na kasiyahan. Dito rin nauso ang mga love letters pati na mga slambook. Naalala n’yo ba ang slambook? Yung nakalista lahat ng mga favorites mo pero ang mas tinitingnan ng lahat ay yung “Who is your crush?”

Tondo High School Silver Anniversary Reunion

Kaya noong nagdaang April 22, 2017 ay nagkaroon kami ng reunion para sa aming Batch ’92 Silver Anniversary Reunion at ito ay hindi ko pinalampas. Nandun din sa reunion si Isko Moreno na makikita sa video na ginawa ko. Naging kaklase ko s’ya at ka-batch noong high school at ngayon nga ay Mayor na ng Lungsod ng Maynila. Sobrang saya ng gabing iyon dahil after 25 years ay makikita mo ulit ang mga kaklase mo, ka-batch mo, mga naging titser mo at ang eswelahan mo noon high school ka pa.

Kaya dinala ko ang camera ko dahil alam kong sobrang maraming memories ang mangyayari sa gabing iyon. Memories na baka hindi na ulit maulit ng matagal na panahon. Ginawan ko rin s’ya ng Tribute Video para naman mapanood ng marami at in-upload sa Youtube.

Ginawa ko rin ito para yung mga hindi makakapunta lalo na yung mga nasa ibang bansa ay mapanood din nila ang mga naganap ng gabi ng aming reunion at makita din nila ang mga kaklase nila kahit man lang sa video.

Sana maging inspirasyon ito na muling sariwain ang ating kabataan noong tayo’y nasa high school pa dahil ang high school life ay isang beses lamang daraan sa ating buhay. Ito ang aking High School Life, My One High School Life.