Singapore Tour – Part 4: The Flower Dome

Isa pang tourist spot na nasa loob din ng Gardens by the Bay ay ang Flower Dome. Isa rin itong malaking dome na kung saan makikita ang iba’t ibang uri ng bulaklak. Ito ang pinakamalaking glass green house sa buong mundo na nakalista sa Guinness World Records noong 2015.

Pagpasok mo pa lang bubungad na sa ‘yo ang nakapaganda istraktura ng dome at ang wall ng isang mala-bahay na napupuno ng mga halaman at bulaklak.

Sa dami ng mga bulaklak na nakalagak dito ay nilagyan na nila ng ilang palapag para lang mailagay ang higit kumulang ilang libong mga uri ng bulaklak.

Sa dami ng mga bulaklak dito ay nagmistulang isang malaking hardin ang kapaligiran na pinahahalimuyak ng bango ng mga bulaklak na ito.

Kaya nga kahit saan ka pumwesto ay talagang lalabas na napakaganda ng background mo dahil nga sa makukulay na uri ng bulaklak.

Meron pang mga disenyo ng tulad ng bahay na ito na napapalibutan ng mga bulaklak na para bang ikaw ay nasa isang bahay kubo at marami kang tanim na mga bulaklak.

Pang-instagramable post talaga ang magiging kuha ng mga litrato mo kahit saan ka man lumugar.

Narito ang isang uri ng orchids na kung tawagin ay Aranthera Anne Black na pinangalan sa asawa ng isang British governor ng Hongkong at Singapore noong taong 1958 to 1964. Aba magandang trivia pala ang pangalan ng orchid na ito.

Kung mapapansin mo ay hindi nawawala ang mga paru-paro sa paligid gaya na lang ng nasa likod kung iyong makikita.

Ano ba gang tinatanaw ng mamang ito eh hindi naman dun naka-focus ang camera? Kala mo’y stolen shot ang datingan nireng taong ire ah.

Sa dami ng pwedeng kuhanan na litrato ay pati misis ko ay kinukuhanan na rin ng litrato na isang babae sa gilid ng picture na ito.

Sobrang gaganda ng mga bulaklak kung iyong pagmamasdan dahil sa iba’t ibang kulay ng mga ito at kapag nagsama-sama ay para bang makulay ang buhay.

Eto namang si ate ay sumama pa sa picture eh. Ayos na nga ang kuha dahil maraming uri ng bulaklak ang magkakasama tapos hindi pa nasiyahan ay may pakamay-kamay pa.

Isang uri pa ng orchid ang dito’y matatagpuan at ito ay ang Dendrobium Tay Swee Keng. Alam n’yo ba na ito’y isang uri ng hybrid orchid na originated by Koh Keng Hoe noong pang taong 1975. Isa na naman itong bagong kaalaman na dito ko lang din natutunan at nalaman.

Eto namang mamang photographer eh dun pa pumwesto. Naging photobomber tuloy s’ya sa napakagandang bulaklak na kinukunan ko kasama ang napakagandang bulaklak sa buhay ko ang aking asawa.

Kapag nasa loob ka ng Flower Dome ay para kang may-ari ng napakalaking hardin na napapalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak sa kapaligiran.

Ito ang isa sa mga pinakamagandang kuha ko dahil maliban sa nakapagandang bulaklak ay nasa likod nito at nagiging background ang Singapore Flyer na nasa labas ng dome pero kita pa din sa loob.

Meron ding mga half-human na animo’y parang mga manananggal sa atin sa Pinas. Gusto din pala ng mga ito ang halimuyak ng mga bulaklak kaya sila nandito. Mga choosy ang mga ito ah, kala ko kasi dugo lang ang gusto nila ahahaha..

Sa paglabas bandang exit naman ay nandun naman ang kanilang gallery ng iba’t ibang pictures ng mga flowers na meron sa loob ng Flower Dome. Kay gandang pagmasdan sa medyo madilim-dilim na liwanag na lalong nagpapatingkad sa mga pictures.

Katulad ng sa Cloude Forest, bago ka lumabas ay meron din ditong Gift Shop o Souvenir Store kung saan pwede ka tumingin at bumili ng samu’t saring items na ang karamihan ay dito mo lang mabibili.

Ito ang ika-apat na yugto ng aming paglalakbay sa bansang Singapore at marami pang dapat abangan dahil naguumpisa pa lang gumanda ang mga posts ko. Sa mga susunod na posts ay mas maraming mas magagandang lugar ang makikita kaya sana’y makasubaybay kayo sa mga darating ko pang mga post dito sa aking blog. Muli halina sa Singapore at tayo’y mamasyal habang tayo’y malalakas pa at baka hindi na natin ito magawa sa ating pagtanda.