Singapore Tour – Part 6: The Chinatown

Ang Chinatown ang isa mga pinaka-abalang lugar sa Singapore. Maraming turista dito kumukuha ng hotel na matutuluyan kapag sila ay bumibisita sa bansang ito. Buhay na buhay kasi ang lugar na ito lalo na sa gabi dahil sa dami ng pwedeng mong gawin at puntahan. Tatlong istasyon lang mula sa Jalan Besar station kung saan ang hotel namin ay nasa Chinatown ka na. Sa larawang ito ang Chinatown MRT/LRT station kung saan nagumpisa ang paggala namin sa lugar na ito ng Singapore.

China Square Central

Pagbaba mo ng Chinatown train station ay nasa harap na nito ang China Square Central. Isa itong commercial mall na una mong mapupuntahan kung saan makikita mo ang mga mini-lion head na nakatayo sa labas ng commercial establishment na ito.

Kay gandang magpakuha ng litrato sa mga mini-lion head na ito na isang national symbol ng Singapore. Kilala kasi ang Singapore sa tawag na “The Lion City” dahil nagmula ang pangalan ng bansang ito sa Malay word na “Singa” na ang ibig sabihin ay “Lion” at ang “Pura” na ang meaning naman ay “City”. Isang magandang trivia ito sa mga hindi pa nakakaalam ng mga impormasyon tungkol sa Singapore.

Meron ka rin makikitang mga double decker bus para sa mga turista na gustong malibot ang paligid ng Singapore katulad na lang ng napadaan na bus na ito sa likod ko.

Sa pagbaybay mo sa Chinatown mapapadaan ka sa mga nakatutuwang foot bridge na ito dahil puno ng mga bulaklak at kay ganda ng disenyo ng pagkakagawa kaya maaliwalas s’ya pagmasdan.

Chinatown Heritage Center

Dito sa Chinatown makikita ang isang Heritage Center kung saan nakalagak ang history o lumang pamumuhay ng mga unang tao sa Singapore at madiskubre ang mga personal stories ng mga taong unang nanirahan dito sa Chinatown.

Sa labas pa lang ng Chinatown Heritage Center ay kita mo na kung paano mamuhay ang mga unang tao dito sa Singapore tulad na lang ng magsasakang nagtatanim sa gilid ng kuhang litrato na ito.

Buddha Tooth Relic Temple

Isa sa mga pinakasikat na landmark dito sa Chinatown ay ang Buddha Tooth Relic Temple. Isa itong Buddhist temple at museum complex kung saan matatagpuan ang Tooth Relic ng historical Buddha.

Saan mang anggulo tingnan ay talagang mamamangha ka sa ganda ng architectural design nito na base pa noong panahong ng Tang Dynasty.

Kaya isa ito sa mga dapat mong puntahan kung ikaw ay naglilibot sa Chinatown at hindi dapat palampasin na magpakuha ng litrato sa paligid nito dahil sa ganda ng background.

Sri Mahamariamman Temple

Isa pa sa mga sikat na landmark na dito sa Chinatown din matatagpuan ay ang Sri Mariamman Temple. Ito ang oldest Hindu temple sa Singapore na itinayo noong pang taong 1827. Kay gandang pagmasdan ang iba’t ibang sculptures sa entrance ng temple na ito kaya maraming tao ang dito’y tumutungo.

Ang temple na ito ay dedicated sa Goddess na si Mariamman na kilala na nagpapagaling sa mga epidemic illnesses at diseases noong unang panahon. Isa ito sa pinakakilala at sagradong dasalan ng mga Hindu worshipers at ibang Singaporeans.

Kilala ito sa sikat na pangalang “Pink Temple of Singapore” ng kanyang mga deboto dahil na rin sa kulay nito at kung titingnan mo ito mula sa labas ay napakaganda ng loob.

Chinatown Food Street

Hindi mo rin dapat palampasing daanan ang Chinatown Food Street kung saan makikita ang iba’t ibang pagkain ng iba’t ibang nasyon tulad ng Indian, Chinese, Singaporean at marami pang iba.

Sa gitna nakahambalang na ang animo’y napakahaba at sunud-sunod na kainan sa kahabaan ng street na ito. Kaya kung gutom ka na sa pamamasyal ay dito ka na kumain dahil sa dami ng pagkaing pagpipilian dito.

Marami din ang katulad ng ganitong gusali na sa Chinatown ay madadaanan sa iyong paglilibot. Isa lang ito sa mga makaluma ngunit renovated na istraktura ng gusali na sa Chinatown ay nagpapaganda.

Si Buddha naman ay makikita mo sa gilid ng daan kaya dapat ay aware ka na nandun s’ya kasi baka malampasan mo dahil medyo natatakpan sya ng mga tindahan sa kaliwa’t kanan.

Dito rin sa Chinatown maganda mamili ng mga pampasalubong lalo na ng mga chocolates dahil mababa ang presyo dito at kadalasan ay mga naka-sale pa tulad na lang nitong napasok naming tindahan na talaga naman mapapabili ka.

Sa pagiikot mo dito sa Chinatown ay makakasabay mo ang maraming tao at iba’t ibang lahi na dito’y namamasyal din. Ang gusali naman sa likod ang isa sa mga pinakasikat at pinakamasarap kainan ng Singaporean at Chinese food.

Meron ka ding makikitang mga tindahan, tsanggean o sunud-sunod na mga stalls sa pagiikot mo dito sa Chinatown at maraming pwedeng mabili dahil samu’t sari ang mga paninda sa kahabaan ng street na ito.

Ito ang ika-anim na parte ng aming tour dito sa Singapore at marami pa kaming napuntahan dito sa bansang ito na ipopost ko pa sa mga susunod na araw at pagkakataon. Maganda ang bansang Singapore at marami ang dito’y pwedeng puntahan at gawin. Kaya sana subaybayan ninyo ang iba ko pang mga posts sa mga darating na araw dahil marami pang dapat abangan. Muli po halina kayo sa Singapore.