Singapore Tour – Part 8: Universal Studios

Isa sa mga pinakasikat na puntahan ng tao sa Singapore mapaturista man o lokal ay ang Universal Studios. Maganda naman kasi ang theme park na ito at marami kang pwedeng gawin at pasyalan sa lugar na ito. Matatagpuan ito sa Resorts World Sentosa sa Sentosa Island, Singapore.

Itinayo ito noong April 19, 2008 at after 2 years ay nagbukas ito sa publiko noong March 18, 2010. Ito ang pinakaunang Universal Studios theme park sa buong Southeast Asia at ikalawa naman sa Japan sa buong Asya.

Bago ka pa makarating ng Universal Studios ay may makikita ka ng isang puno na punung-puno ng mga big round candies na nakasabit dito na parang mga bunga n’ya. Animo’y parang may larong pabitin at ang premyong makukuha ay ang mga candies sa itaas.

Bago ang entrance ay makikita mo na agad ang pamosong Universal Studios Globe. Halos lahat ata ng taong pumupunta dito ay hindi pwedeng walang selfie picture sa globe na ito kaya papahuli pa ba ako?

Universal Studios Globe

Sa main entrance ay madadaanan mo ang USS Entrance Archway at sa taas nito ay para kang papasok sa isang malaking kaharian.

USS Entrance Archway

Malawak ang entrance ng Universal Studios, siguro ay dahil na rin sa dami ng mga taong pumupunta dito at namamasyal. Kaya nga hindi na nagkasya sa larawang ito ang buong pangalan ng Universal Studios Singapore ng dahil sa lawak ng entrance nito.

Pagpasok mo ay sasalubong sa ‘yo ang magarang entrance na parte ng theme park na isang mala-Broadway style at Hollywood inspired architectures kasama na ang replica ng sikat na Hollywood Walk of Fame.

Hollywood

Makikita mo rin dito ang isang babaeng lookalike ni Marilyn Monroe. Pila ang mga nagpapakuha ng litrato sa kanya dahil talaga namang para mo na rin nakita ng personal ang sikat na aktres.

Marilyn Monroe

Isa sa mga mgagandang atraksyon dito ang Jurassic Park, ang pinaka-popular na film franchise na gawa ni Steven Spielberg.

Jurassic Park

Sa loob naman nito matatagpuan ang Jurassic Park Rapids Adventure’s final splashdown na talaga naman dinudumog ng mga tao lalo na ng mga bata.

Sa tapat naman ng Jurassic Park area makikita ang naglalakihang life size na mga dinosaurs. Para ka na ring nasa movie kapag nakatayo ka malapit sa kanila dahil sa malahiganteng itsura nila.

Nasa gitna nila ang kanilang mga itlog na aakalain mong binabantayan ng dalawang higanteng dinosaurs sa paligid nito. Nakakatuwa dahil para talagang totoong mga dinosaurs ang nasa tabi mo sa ganda ng pagkakagawa sa kanila.

Sunod na makikita mo naman ang historical adaptation ng Statues ng Ancient Egypt noong mga unang panahon. Sa sobrang lalaki ng mga istatwang ito ay para ka na ring dinadala o namuhay sa panahon ng Ancient Egypt.

Statues of Ancient Egypt

Sa Carter’s Curiosities mo naman makikita ang iba’t ibang souvenirs and replicas ng Egyptian treasures na binebenta sa loob ng retail outlet na ito.

Carter’s Curiosities

Isa pa sa main attraction sa loob ng Universal Studios ay ang Transformers. Isa itong 4-D Dark Ride Motion Simulator na isa sa mga hindi mo dapat palampasin na pasukin o subukan. Sobrang ganda ng 4-D effects na sinamahan ng ride-vehicle technology para maging isang thrilling ride experience para sa mga susubok nito.

Transformers

Nakatayo naman sa labas si Optimus Prime at nagbabantay sa mga taong papasok para sumubok sa transformer ride at magbigay seguridad dahil baka dumating ang mga Decepticons. Marami ang sa kanya’y nagpapakuha ng litrato dahil kung titingnan mo ay buhay na buhay ang kulay na para talagang yung nasa pelikula.

Optimus Prime

Mukhang may lakad ata si Bumblebee ngayon at naka-transform into Chevrolet Camaro. San kaya s’ya pupunta? Sayang at hindi s’ya naka-robot form ngayon pero kahit ganun ay maganda pa rin magpakuha ng litrato sa kanya.

Bumblebee

Isa naman ang Battlestar Galactica sa most thrilling adventure dito sa loob ng Universal Studios. Kaya hindi ko na binalak subukan pa ito dahil siguradong hilo ang aabutin ko sa ride na ito.

Battlestar Galactica

Halos mga kabataan ang mga sumusubok dito dahil na rin sa mala-inverted roller coaster ride na ito na talaga namang aatakihan ka sa puso sa sobrang thrill ng adventure na ito. Nakikita ko pa nga lang mula sa labas at naririnig ang mga sigawan ng mga kabataan eh parang hihimatayin na ko hahaha…

Ito naman ang Far Far Away Castle kung saan makikita ang iba’t ibang Shrek franchise na inspired at gawa ng DreamWorks Animation. Sobrang enchanting ang pakiramdam na para kang nasa isang Fairy Tale movie o isang animated movie kapag ikaw ay nasa loob nito.

Far Far Away Castle

Sa loob ng Far Far Away Castle makikita mo ang Puss in Boots’ Giant Journey. Isa itong steel suspended family roller coaster na hango sa Hollywood film na Puss in Boots.

Puss in Boots

Narito rin sa loob si Shrek at sa bandang gilid naman ay nandun si Pinocchio. Kay gandang magpakuha ng litrato sa labas ng Far Far Away Castle na ito dahil sa ganda ng view at hugis nito.

Shrek and Pinocchio

Meron ding putol na puno kang madadaanan na ginawang parang bubong ng bahay sa ilalim. Ito ang sinasabi nilang literal na nakatira sa ilalim ng puno ng mangga, hindi ko lang alam kung anong klaseng puno ba ito hehe..

Nasa loob din ng Universal Studios ang Madagascar. Inspired ng DreamWorks Animation franchise at galing sa Hollywood film na Madagascar. Dito makikita ang mala-jungle na theme park at may dalawang rides pati na ang mga character sa cast ng nasabing movie.

Madagascar

Sa gilid naman ay mami-meet mo si Hello Kitty na nakatayo sa isang Hello Kitty Store kung saan ang lahat ng tinda sa loob ay puro mga Hello Kitty souvenir items.

Hello Kitty

Halos bawat lugar sa loob ng Universal Studios ay puno ng mga tao dahil sa ganda ng theme park na ito at sa dami ng pwede mong puntahan at gawin. Marami ding mga kainan kang madadaanan along the way sa pagiikot mo dito sa loob kaya kung magutom ka ay hindi mo poproblemahin kung saan mo gustong kumain.

Iba’t ibang lahi at turista ang dito’y madalas mamasyal kaya halos hindi ito nawawalan ng tao at halos mapuno ito lalo na kapag weekends. Kaya ang suggestion ko ay weekdays kayo pumunta dito para hindi masyadong crowded ang lugar at makapagpapicture kayo ng maayos sa mga magagandang lugar sa loob ng Universal Studios. Marami pang magagandang lugar ang pwedeng puntahan maliban pa doon sa mga napuntahan namin. Kaya talagang kulang ang isang araw mo dahil sa dami ng dapat at magandang pasyalan.

Ito ang ikawalong parte ng aming tour dito sa bansang Singapore at isa ang Universal Studios na mairerecommend ko na hindi n’yo dapat palampasin na mapuntahan kung sakali man na kayo ay mapadpad sa bansang ito. Hanggang sa muli at sana abangan n’yo pa ang mga susunod kong mga post patungkol sa pamamasyal namin dito sa bansang Singapore.