Stock Market – Part 9: Risks in Investing in the Stock Market

Ano nga ba ang mga risks na kaakibat ng pagiinvest sa stock market? Ito ang isang tanong na mahalaga kung ikaw ay nagiinvest sa market na ito. Ang pagiinvest sa stock market ay isang risky investment. Magandang malaman natin ang mga risks na ito dahil malaki ang maitutulong nito kapag alam natin kung anu-ano nga ba ang mga risks sa pagiinvest dito. Mas mahalaga na alam mo ang mga risks na ito para mapaghandaan mo, ma-control at maminimize ang epekto nito sa iyong investment kapag dumating sa ‘yo ang mga risk na ito. Sabi nga nila, “Prevention is Better than Cure”.

Sa pagnenegosyo o pagiinvest hindi talaga maiiwasan na may kaakibat itong mga risks dahil na rin sa dami ng mga factors na nakakaapekto dito lalo na sa mga presyo ng mga stocks. Para maihanda ang ating sarili dapat nating alamin ang mga risks na ito para na rin sa ating sariling pagnenegosyo o pagiinvest at ito ay maiwasan, ma-control o ma-minimize man lang.

Ang mga risk kasi na ito ang magiging dahilan para maubos o masunog ang pera natin sa stock market kaya mas makabubuting malaman natin ang tungkol dito dahil pera natin ang nakataya dito. Ayaw din naman natin na malugi ang ating investment ng dahil lang sa mga risk na ito na kaya naman nating mapaghandaan, ma-control o ma-minimize man lang.

Narito ang ilan sa mga risks na dapat mong isaalang-alang habang nagiinvest ka sa mundo ng stock market.

1. Self Risk

Una sa listahan ay yung tinatawag na Self Risk dahil tayo mismo sa sarili natin ay pwede tayong maging risk sa pagiinvest natin sa stock market. Hindi lang market ang kalaban natin sa pagiinvest dito kundi pati na ang ating sarili. Nandyan yung pagiging hyper, overconfident, greedy, unprepared at marami pang iba. Di ba tama naman na kung minsan nadadala tayo sa pagiging hype ng iba? Kaya napapabili tayo ng stocks na hindi na natin napagaaralan. Kung minsan naman kapag may bagong IPO sa market ay napapasabay tayo sa pagbili dahil marami ang bumibili o dahil may mga history noong ibang naunang IPO na grabe ang itinaas sa unang mga araw nito. In the end, naiipit tayo kapag ang presyo nito ay biglang bumulusok pababa at hindi pataas. Tapos ibebenta natin ng paluge dahil late na ang pagka-cutloss kaya ang siste imbes na paper loss lang ay nagiging real money loss na talaga. May mga times naman na nagiging greedy tayo ng wala sa panahon, aminin natin, o kaya naman ay nagiging overconfident. Kaya ang kinalalabasan minsan ay luge tayo, naipit o malaki ang nawala sa atin dahil sa mga ganitong emosyon. Kaya ito para sa akin ang pinakaunang risk na dapat nating bantayan walang iba kundi ang ating emosyon.

2. Market Risk

Ang Market Risk o ang tinatawag nilang Systematic Risk ang isa sa mga risk na dulot ng overall performance ng market kung saan involve ang pagiinvest sa stock market. Kadalasan kapag down ang overall market ay ganun din minsan ang nangyayari sa mga hawak nating stocks at dahil dito ay nakakaranas tayo ng mga losses sa ating mga investments. Ilan sa mga dulot ng market risk ay ang market recession, civil unrest, isyung political, economic sanctions, kalamidad o kaya naman ay terorismo tulad na lang ng nangyari sa 911 US attacks. Noong mga panahong yun talaga namang bumagsak ang karamihan ng value ng mga shares of stocks. Kaya mainam din na ito ay ating bantayan para kung sakali ay ma-prevent natin ang labis na epekto nito sa ating mga investments.

3. Business Risk

Ang business risk naman ay nanggagaling mismo sa negosyo. Ilan sa mga dahilan nito ay ang maling pamamalakad ng mga namumuno sa negosyo, mahinang kita o mababang performance ng kumpanya, operational at marketing strategies, mga inside job o empleyadong nagloko o nag-scam sa kumpanya. Malaki ang epekto ng mga ganitong senaryo sa stock market kaya isa ito sa mga dapat nating bantayan habang nagiinvest tayo sa stock market.Alaming maigi ang fundamentals ng mga kumpanya kung saan ka nagiinvest para maiwasan ang mga ganitong sitwasyon.

4. Liquidity Risk

Isa rin ang liquidity risk sa mga dapat mong isaalang-alang kapag nagiinvest ka sa stock market. Isa itong klase ng financial risk na kung saan ang isang kumpanya ay nawawalan ng kakayahang mag-handle ng kanyang mga financial obligations. Isang example nito ang pagkakaroon ng mataas na utang.Kapag nagiinvest ka sa stock market dapat mong alamin ang financial status ng isang kumpanya kung saan ka nagiinvest. Baka hindi mo namamalayan ay baon na pala sa utang ang kumpanyang pinag-invest-an mo o kaya naman ay malapit na sa level ng bankruptcy ay masasayang ang perang in-invest mo sa kanila.

5. Taxability Risk

Ang taxability risk naman ay patungkol sa mga tax na ipinapataw ng bawat gobyerno sa buong mundo sa mga kumpanyang nagnenegosyo tulad dito sa Pinas. Ang mga tax na ito kung minsan ay tumataas at kung minsan ay bumababa base sa industriya ng isang kumpanya kung saan ka nagiinvest. Ang pabagu-bagong tax na ito ay nakakaapekto din sa mga presyo ng stocks ng bawat kumpanya. Isa sa magandang halimbawa nito ang pagpataw ng mas malaking tax sa ngayon sa mga negosyo patungkol sa sigarilyo at alak. Kaya isa rin ito sa mga risk na dapat nating isaalang-alang habang nagiinvest tayo sa stock market.

6. Inflation Risk

Ang inflation risk naman ay patungkol sa pagtaas ng mga bilihin maging ito man ay goods o services over a period of time. Isang magandang halimbawa nito ang pagtaas ng mga raw materials na ginagamit ng mga manufacturing company para sa kanilang production. Syempre kapag tumaas ang presyo ng mga raw materials ay tataas din ang production cost na magkakaroon naman ng epekto sa merkado. Kaya nga sina-suggest na kapag nagiinvest ka sa stock market ay dapat alam mo din ang nangyayari sa merkado o kahit papaano ay nagbabasa-basa ka ng balita patungkol sa negosyo. Para mapaghandaan mo ang pwedeng mangyari sa hinaharap kung sakali man na apektado ang kumpanya kung saan ka nagiinvest.

7. Currency / Exchange Rate Risk

Meron ding risk na nagmumula sa currency o exchange rate ng isang bansa.Kadalasan na apektado ng mga ganitong risk ang mga kumpanyang involve sa import o export business pati na yung mga kumpanyang nagooperate at may transactions across or between nations. Syempre kapag mahina ang currency ng isang bansa ay malaki din ang epekto nito sa stock market kaya kasama lagi ito sa mga risk na dapat nating isaalang-alang habang tayo ay nagiinvest sa stock market. Kaya pansinin mo lahat ng mga stock exchange sa buong mundo ay laging kasama ang exchange rate sa kanilang binabantayan at kadalasan nga ay meron pa silang monitoring system.

Ilan lang ito sa mga risk na pwede nating isaalang-alang habang nagiinvest tayo sa stock market. Sabi nga nila, “Daig ng maagap ang masipag”. Actually, sa lahat ng mga risks na ito o iba pa mang risks ay isa lang naman talaga ang suma total nito, ito ay ang maubos ang lahat ng ating pera sa isang iglap lang o kumbaga sa negosyo ay malugi tayo. Mas maganda na alam natin ang mga risks na ito para mapaghandaan, ma-control o ma-minimize man lang.

Sabi nga ni Theodore Roosevelt:

“Risk is like fire: If controlled it will help you; if uncontrolled it will rise up and destroy you.”

Sa mga susunod na post ay tatalakayin naman natin ang mga ways and means o mga paraan kung paano ba natin maiiwasan ang mga risks na ito at kung ano ang mga pwedeng nating gawin para ito ay mapaghandaan, ma-control o ma-minimize man lang.

Photo: CTTO