Stock Market – Part 19: Different Kinds of Candlestick Patterns

Noong mga nakaraang posts ko ay natalakay natin ang tungkol sa candlestick at ang mga dapat natin malaman tungkol sa kanya. Dito naman ay ilalahad ko ang iba’t ibang klase ng candlestick patterns na ginagamit ng mga nagiinvest sa stock market.

Mas maganda kasi na may idea tayo kung ano ba ang mga ito, paano ba ito nakakatulong sa ating pagiinvest sa stock market at para na rin maging aware tayo sa mga patterns na ito. Hindi mo naman kailangan malaman o kabisaduhin lahat ng uri nito pero mas maganda kasi na alam mo kung ano ang ibig sabihin ng mga ito para kung sakaling dumating sa time na ma-encounter mo s’ya o makita habang nagti-trade ka ay alam mo na kung ano ang dapat mong gagawin.

Narito ang ilan sa mga sikat at gamiting types of candlestick patterns para maging guide n’yo habang nagiinvest kayo sa market na ito.

Bearish Engulfing

Ang bearish engulfing ay kadalasang makikita sa dulo o katapusan ng isang uptrend pattern. Ang unang candlestick ay isang maliit na stick na may kulay green habang ang ikalawang candlestick ay mas malaking stick na may kulay red. Kaya nasabing engulfing dahil kung mapapasin ay binabalot ng sumunod na red stick ang kabuuan ng green stick.

Ipinapahiwatid nito ang pinakamataas na level at ang mabagal na paggalaw ng presyo ng isang stock na tanda ng papasok na pagbulusok pababa ng kanyang presyo sa merkado. Kapag mas mababa ang ikalawang red candlestick mas kinukumpira nito ang landas na kanyang tatahakin pababa.

Bullish Engulfing

Ang bullish engulfing ay binubuo rin ng dalawang candlestick pattern na tulad ng sa bearish engulfing pero ito naman ang kanyang kabaligtaran. Ang unang candlestick ay isang maliit na stick na may kulay red habang ang ikalawang candlestick ay mas malaking stick na may kulay green. Kaya nasabing engulfing dahil kung mapapasin ay binabalot ng sumunod na green stick ang kabuuan ng red stick.

Kahit pa nagbukas ang ikalawang candlestick sa presyong mas mababa sa una, naitutulak ng bullish market pataas ang presyo nito para magbigay ng magandang kita sa mga makakakita ng pattern na ito.

Dark Cloud Cover

Ang dark cloud cover naman ay isang uri ng candlestick pattern na sumisimbolo ng isang bearish reversal pattern. Binubuo ng tatlong candlestick pattern kung saan ang opening price ng gitnang red candlestick ay mataas o nasa ibabaw ng sinusundang green candlestick. Nagsasara naman ang presyo nito below sa midpoint ng sinundang green candlestick.

Ipinakikita nito na ang bearish action sa galaw ng presyo ang s’yang nananaig sa mga sandaling iyon para itulak pababa ang presyo nito. Ang ikatlong red candlestick naman ang magsasabi o magkukumpirma sa pagiging bearish reversal pattern nito. Kapag ang mga wicks o shadow ng mga candlestick na ito ay mas maliit o mas maigsi, ipinapalagay na ang downtrend movement ay paparating na.

Doji

Ang Doji naman ay kapag ang open at closing price ng isang stock sa market ay halos pantay at hindi nagkakalayo tapos ang makikita mo sa kanyang candlestick ay parang itsurang cross, inverted cross o plus sign. Kadalasan ang ganitong uri ng candlestick pattern ay nagkakaroon ng pagbubuno sa pagitan ng mga sellers at buyers kaya lumalabas sa huli na halos walang net gain sa magkabilang panig.

Tinatawag na isang neutral sign ang Doji pattern na maaaring makita rin sa maraming importanteng mga reversal patterns tulad ng bullish morning star at bearish evening star. Kadalasan din nakikita ang Doji sa period of consolidation at nakakatulong din sa technical analysis para makita ang mga potential na price breakouts. Ang pangalang “Doji” ay nakuha sa Japanese word na ang ibig sabihin ay blunder o mistake na tumutukoy sa pambihirang pagkakataon na ang pagbubukas at pagsasara ng presyo ng isang stock ay halos pantay.

Evening Star

Ang evening star naman ay binubuo ng tatlong candlesticks kung saan ang maikling candle ay napapagitnaan ng mahabang green candlestick at malaking red candlestick. Ipinapahiwatig nito ang reversal o pagbaliktad ng uptrend movement na lalo pang pinalalakas ang trend nito kapag binubura o tinatabunan ng ikatlong candlestick ang lahat ng gains ng unang candlestick.

Ginagamit ito ng maraming technical analyst sa stock market para makita kung ang isang trend ay magbabago na ng kanyang direksyon. Isa itong uri ng bearish candlestick pattern na nagpapahiwatig na ang uptrend movement ay patapos na.

Falling Three Methods

Ang three-method formation pattern ay ginagamit para masubaybayan ang patuloy o kasalukuyang takbo ng presyo ng isang stock sa stock market maging ito ay bearish o bullish trend at ang falling three methods ang isa dito. Itong falling three methods ay isang uri ng bearish candlestick pattern na binubuo ng isang mahabang red candlestick na sinusundan ng tatlong green candlestick na susundan naman ng isa pang mahabang red candlestick.

Isa rin itong signal ng isang interruption pero hindi ng isang reversal ng kanyang downtrend na paggalaw sa market. Ipinapakita nito na wala pang sapat na lakas ang bullish movement para magbago ang takbo o ang downtrend na kanyang tinatahak. Senyales ito para sa ibang active traders para magsimula o magdagdag para sa kanilang short positions.

Hammer

Ang hammer naman sa pangalan pa lang ay makikita mo na mala-itsurang hammer o martilyo ang candlestick pattern na ito at masasabing itsurang letter “T” din. Binubuo ng maikling body at mahabang lower wick o lower shadow na halos doble ng size ng kanyang body at kadalasang nakikita sa ibabang parte ng isang downward trend. Ipinapakita ng hammer na sa kabila ng pressure sa mga nagbebenta ng stocks ay nagagawa pa ring maitulak at maibalik paitaas ang presyo nito ng malakas na buying pressure.

Madalas makita ang hammer pagtapos ng mga price declines na kadalasang nagiging epektibo kapag sumusunod sa tatlong magkakasunod na declines o higit pa. Ipinahihiwatig ng hammer pattern ang isang nakaabang na pagbabago sa presyo ng isang stock paitaas lalo na kung susundan ito ng green candlestick na magsisilbing kanyang confirmation.

Hanging Man

Ang hanging man naman ay katumbas ng bearish trend pattern ng hammer. Halos may pagkakahawig ang kanilang itsura pero ang hanging man ay makikita naman sa pinakataas na parte ng isang upward trend. Ipinahihiwatig ng hanging man na sa dami ng nagbebenta sa bullish market ay nawawalan na ito ng kontol sa merkado daan upang magroon ng trend reversal pattern.

Sa maraming gumagamit ng candlestick patterns, ang hanging man ang mabisang pagkakataon para magbenta ng kanilang mga stocks. Ipinalalagay kasi na sa ganitong sitwasyon, maraming investors ang nagiisip na naabot na ng stock ang peak ng kanyang presyo sa merkado.

Inverse / Inverted Hammer

Ang inverse / inverted hammer naman ay ang kabaligtaran ng hammer, kung saan mas mahaba naman ang upper wick o ang upper shadow nito. Ipinahihiwatig nito na sa kabila ng pressure sa dami ng bumibili na sinusundan ng pressure sa dami ng nagbebenta ay hindi nito nagagawang pababain ang presyo sa merkado dahilan upang magkaroon ng trend reversal pattern.

Ipinapakita ng inverted hammer na ang mga buyers ang magkakaroon ng control sa merkado daan upang magkaroon ng mga pagtaas sa presyo nito at tahakin ang daan patungo sa uptrend movement.

Morning Star

Ang morning star candlestick pattern naman ay binubuo ng tatlong sticks pattern na kung saan ang isang maiksing candle ay napagigitnaan ng mahabang red candle at mahabang green candle. Nabubuo ang morning star pagtapos ng downward trend at nagpapahiwatig ng pagsisimula ng pagakyat ng presyo ng isang stock o ang kayang upward trend.

Sinisimbolo din nito na ang malakas na bentahan sa merkado ay humihina na at nagiging daan ito sa pagbubukas o paparating na bullish market. Ang gitnang candlestick sa morning start ang nagsisilbing tulay o turning point habang ang ikatlong candlestick ang nagsisilbing confirmation sa tatahakin nitong landas at ito ang madalas na binabantayan ng karamihan sa nagiinvest o nagti-trade sa stock market kasabay ng iba pang mga indicators.

Piercing Line

Ang piercing line naman ay isang uri ng candlestick pattern na binubuo ng dalawang candlestick. Ang una ay ang mahabang strong red candlestick na sinusundan ng isa pang mahabang green candlestick kung saan ang closing price ng ikalawang candlestick ay mataas ng mahigit sa kalahati ng body ng unang candlestick.

Ipinapahiwatig nito ang malakas na buying pressure kung saan ang presyo ay naitutulak pataas ng higit pa sa kalahati ng presyo ng nagdaang araw. Kilala ang piercing pattern sa technical analysis bilang isang potesyal na signal para sa isang bullish reversal.

Rising Three Methods

Ang rising three methods naman ay ang kabaligtaran lang ng falling three methods. Gaya ng falling three methods, ang rising three methods ay binubuo ng tatlong maliliit na red candlestick na nakakulong sa loob ng dalawang mahabang green candlestick. Ipinapakita ng pattern na ito na sa kabila ng selling pressure, ang mga buyers pa din ang nakakakuha ng malaking control sa market.

Isa rin itong signal ng isang interruption pero hindi ng isang reversal ng kanyang uptrend na paggalaw sa market. Ipinapakita nito na wala pang sapat na lakas ang bearish movement para magbago ang takbo o ang uptrend na kanyang tinatahak.

Shooting Star

Ang shooting star candlestick pattern naman ay isang uri ng pattern na katulad ng inverted hammer. Ang kaibahan lang, ang shooting star ay nabubuo sa isang uptrend na paggalaw ng isang stock sa stock market. Mayroon itong maliit na lower body at mahabang upper wick o shadow. Itinuturing na isang bearish candlestick, ang shooting star kadalasan ay makikita pagtapos ng upward trending.

Kadalasan nabubuo ang shooting star dahil sa pagbubukas ng merkado ay tumataas ang presyo ng isang stock hanggang maabot ang mataas na presyo n’ya sa araw na iyon at bago magsara ay naitutulak ng mga sellers ang presyo nito pabalik at pababa malapit sa kanyang pagbubukas na para bang nahuhulog na tala kaya ito natawag na shooting star. Kadalasan sa ganitong porma ay hinihintay ng mga traders ang susunod na candlestick pagkatapos ng shooting star para malaman kung dapat na ba silang magbenta.

Spinning Top

Ang spinning top naman ay isang uri ng candlestick pattern kung saan ang kanyang  maliit na body ay nasa sentro ng kanyang mga mahabang wicks o shadows na may pantay na haba. Ipinapahiwatig ng spinning top pattern ang pagiging indecision ng market o yung resulta na wala halos pagbabago sa presyo ng isang stock sa merkado.

Madalas ang kahulugan ng ganitong uri ng pattern ay nagsabi na ang market ay nasa period of consolidation o nagpapahinga pagkatapos ng mahabang uptrend o downtrend movement.

Three Black Crows

Ang three black crows ay isang uri ng candlestick pattern na binubuo ng tatlong magkakasunod na mahabang red candlestick na mayroong maliit at halos walang wicks o shadows. Ipinapalagay ng maraming traders sa merkado na ang three black crows ang simula ng isang bearish downtrend.

Mapapansin mo na sa three black crows halos ang opening price ng kasunod na candlestick ay s’ya namang closing ng sinusundan n’ya at nagsasara ang presyo ng higit na mas mababa sa kanya. Sa pattern na ito ay higit na mas nakalalamang ang mga sellers kaysa sa mga buyers sa loob ng tatlong magkakasunod na trading day daan para hilahin nila pababa ang presyo ng stock at magdulot ng downtrend movement.

Three White Soldiers

Ang three white soldiers naman ay isang uri ng candlestick pattern na binubuo ng tatlong magkakasunod na mahabang green candlestick na mayroong maliit na wicks o shadows. Ipinapalagay ng maraming traders sa merkado na ang three white soldiers ang simula ng isang bullish uptrend.

Mapapansin mo na sa three white soldiers ang opening at closing price ng bawat candlestick ay tuloy-tuloy na mas mataas kesa sa nakaraang candlestick. Itinuturing na isang strong bullish signal, ang three white soldier ay kadalasang nangyayari pagtapos ng isang downtrend at nagpapakita ng isang matatag na buying signal.

Narito ang listahan ng iba pang mga uri ng candlestick pattern na pwede ninyong maging guide habang kayo ay nag-iinvest sa stock market.

Part 1
Part 2
Part 3
Part 4
Part 5

Photo: CTTO

Nawa’y may naputol kayong idea o kaalaman sa mga nabasa ninyo na makakatulong sa inyong pagiinvest sa stock market para lalo pang mapalago ang inyong mga investment. Gawin n’yo lang itong guide kasabay ng iba pang mga indicators at parameters para mas lalo pang maintindihan ang mga bagay-bagay ukol sa stock market.

Ang lahat po ng mga tinatalakay ko dito ay makikita n’yo rin sa internet at mapapanood sa youtube at mababasa sa maraming libro. Binigyang linaw ko lang at pinapaliwanag sa simpleng salita at sa ating sariling wika para mas lalong maintindihan kahit na ng simpleng tao na gustong pasukin ang pagiinvest sa stock market.

Ginagawa ko lang ito para sa mga taong napapadaan sa aking blog site at hindi pa alam ang mga bagay na ito. Paraan ko ito para makatulong sa aking munting kakayahan na mas maintindihan ng simpleng tao lalo na ang aking mga kababayan na nagiinvest din sa stock market tulad ko.

Muli maraming salamat sa pagdalaw ninyo dito sa aking blog site. Kung nais n’yo pong makita ang mga post ko patungkol sa stock market ay makikita n’yo lahat ito sa side bar o sa gilid ng aking blog site at sa aking facebook page na Stock Market Update.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.