Malaysia Tour – Part 6A: KL Tower

Isa rin sa mga hindi mo dapat palampasin na mapuntahan ay ang Kuala Lumpur Tower o KL Tower. Matatagpuan sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang KL Tower ay isang telecommunications tower, Islamic Lunar observatory, adventure tourism at cultural spot ng bansang Malaysia.

Inumpisahang itayo ang KL Tower noong October 1, 1991 at naging bukas sa publiko noong July 23, 1996.Ginagamit itong Islamic Falak Observatory ng mga kapatid nating muslim sa Malaysia para obserbahan ang buwan sa tuwing maguumpisa ang muslim month of Ramadan, Syawal, at Zulhijjah, pati na ang pagdiriwang ng fasting month of Ramadhan, Hari Raya Aidilfitri at Aidiladha.

Sa taas nitong 1,381 feet o 421 meters ito ay itinuturing na 7th Tallest Telecommunication Towers sa buong mundo (sumunod sa Tokyo Skytree ng Japan, Canton Tower ng China, CN Tower ng Canada, Ostankino Tower ng Russia, Oriental Pearl Tower ng China, at Milad Tower ng Iran).

Ang KL Tower ang isa sa mga symbolic tower sa loob ng Kuala Lumpur at kadalasang ginaganap dito ang taunang karera kung saan ang mga kalahok ay naguunahan sa pagakyat sa 2,058 steps na hagdan ng mataas na tower na ito. Ito rin ang pinaka-unang Pit Stop na ginamit sa sikat na Amazing Race Asia.

Pagdating mo sa taas ay bubungad sa ‘yo ang lobby na nagsisilbing entrance patungo sa mas magaganda pang parte ng tower. Sa structure pa lang nito ay talaga namang magagandahan ka sa pagkakagawa nito lalo na ang kanyang interior design na aakalain mong ikaw ay nasa loob ng isang malaking mall.

Pagtingin mo naman sa labas ay halos tanaw mo na ang kabuuan ng Kuala Lumpur sa paligid pati na ang mga kasabayan nitong nagtataasang mga gusali sa paligid. Ang tower na ito ang pinakamataas sa buong Kuala Lumpur kaya naman halos malulula ka habang tinatanaw mo ang kapaligiran sa labas.

Sa loob naman nito ay maraming mga stores na nagbebenta ng kung anu-ano tulad na lang nitong nakita kong old coins collection ng isa sa mga tindahan sa loob ng KL Tower. Makikita mo sa kuha kong litrato na ito ang mga old coins ng iba’t ibang bansa tulad na lang sa atin sa Pinas.

Maraming turista ang pumupunta sa tower na ito at dinarayo pa ng ilang mga lokal galing pa sa mas malalayong lugar sa labas ng Kuala Lumpur. Kaya naman hindi mo dapat palampasin na mapasyalan ang lugar na ito dahil siguradong marami kang magagandang makikita sa loob ng KL Tower.

Ito naman ang entrance patungo sa loob at papaakyat sa mas magandang parte ng KL Tower tulad ng Sky Deck at Observation Deck na ilalad ko sa mga susunod na post kaya dapat mo talagang abangan ang mga posts ko sa parteng ito ng KL Tower.

Ito ang ikaanim na parte ng paglalakbay namin dito sa bansang Malaysia at ito ang unang bahagi dito sa loob ng KL Tower. Isa ang KL Tower sa mga pinakamagandang mapuntahan ninyo kung sakaling magbabakasyon kayo sa bansang ito. Dapat mong isama ito sa iyong travel bucket list kung sakali mang may pagkakataon na makarating ka dito.

Sana’y naibigan ninyo ang inyong mga nakita at abangan n’yo pa ang iba pang bahagi ng pamamasyal namin dito sa loob ng KL Tower dahil mas marami pang dapat na abangan na magagandang parte sa loob ng tower na ito.