Malaysia Tour – Part 6A: KL Tower

Isa rin sa mga hindi mo dapat palampasin na mapuntahan ay ang Kuala Lumpur Tower o KL Tower. Matatagpuan sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang KL Tower ay isang telecommunications tower, Islamic Lunar observatory, adventure tourism at cultural spot ng bansang Malaysia.

Inumpisahang itayo ang KL Tower noong October 1, 1991 at naging bukas sa publiko noong July 23, 1996.Ginagamit itong Islamic Falak Observatory ng mga kapatid nating muslim sa Malaysia para obserbahan ang buwan sa tuwing maguumpisa ang muslim month of Ramadan, Syawal, at Zulhijjah, pati na ang pagdiriwang ng fasting month of Ramadhan, Hari Raya Aidilfitri at Aidiladha.

Sa taas nitong 1,381 feet o 421 meters ito ay itinuturing na 7th Tallest Telecommunication Towers sa buong mundo (sumunod sa Tokyo Skytree ng Japan, Canton Tower ng China, CN Tower ng Canada, Ostankino Tower ng Russia, Oriental Pearl Tower ng China, at Milad Tower ng Iran).

Ang KL Tower ang isa sa mga symbolic tower sa loob ng Kuala Lumpur at kadalasang ginaganap dito ang taunang karera kung saan ang mga kalahok ay naguunahan sa pagakyat sa 2,058 steps na hagdan ng mataas na tower na ito. Ito rin ang pinaka-unang Pit Stop na ginamit sa sikat na Amazing Race Asia.

Pagdating mo sa taas ay bubungad sa ‘yo ang lobby na nagsisilbing entrance patungo sa mas magaganda pang parte ng tower. Sa structure pa lang nito ay talaga namang magagandahan ka sa pagkakagawa nito lalo na ang kanyang interior design na aakalain mong ikaw ay nasa loob ng isang malaking mall.

Pagtingin mo naman sa labas ay halos tanaw mo na ang kabuuan ng Kuala Lumpur sa paligid pati na ang mga kasabayan nitong nagtataasang mga gusali sa paligid. Ang tower na ito ang pinakamataas sa buong Kuala Lumpur kaya naman halos malulula ka habang tinatanaw mo ang kapaligiran sa labas.

Sa loob naman nito ay maraming mga stores na nagbebenta ng kung anu-ano tulad na lang nitong nakita kong old coins collection ng isa sa mga tindahan sa loob ng KL Tower. Makikita mo sa kuha kong litrato na ito ang mga old coins ng iba’t ibang bansa tulad na lang sa atin sa Pinas.

Maraming turista ang pumupunta sa tower na ito at dinarayo pa ng ilang mga lokal galing pa sa mas malalayong lugar sa labas ng Kuala Lumpur. Kaya naman hindi mo dapat palampasin na mapasyalan ang lugar na ito dahil siguradong marami kang magagandang makikita sa loob ng KL Tower.

Ito naman ang entrance patungo sa loob at papaakyat sa mas magandang parte ng KL Tower tulad ng Sky Deck at Observation Deck na ilalad ko sa mga susunod na post kaya dapat mo talagang abangan ang mga posts ko sa parteng ito ng KL Tower.

Ito ang ikaanim na parte ng paglalakbay namin dito sa bansang Malaysia at ito ang unang bahagi dito sa loob ng KL Tower. Isa ang KL Tower sa mga pinakamagandang mapuntahan ninyo kung sakaling magbabakasyon kayo sa bansang ito. Dapat mong isama ito sa iyong travel bucket list kung sakali mang may pagkakataon na makarating ka dito.

Sana’y naibigan ninyo ang inyong mga nakita at abangan n’yo pa ang iba pang bahagi ng pamamasyal namin dito sa loob ng KL Tower dahil mas marami pang dapat na abangan na magagandang parte sa loob ng tower na ito.

Malaysia Tour – Part 5: KL Forest Eco Park

Isa pa sa magandang puntahan din dito sa bansang Malaysia ay ang tinatawag na KL Forest Eco Park. Dating kilala sa pangalan bilang Bukit Nanas Forest Reserve, ito ang isa sa mga pinakaluma at reserbang kagubatan sa bansang Malaysia.

Itinatag noon pang taong 1906 at sa lawak nitong approximately 11,000 square meters, ito na lang ang natatangi at natitirang tropical rainforest sa kalagitnaan ng syudad na Kuala Lumpur.

Sa entrance pa lang ay masisilayan mo na ang iba’t ibang klase ng mga puno, halaman, damo at mga kawayan na bumubuo sa kabuuan ng paligid ng park na ito at kay gandang pagmasdan ang kapaligiran lalo na’t alam mong sariwang hangin ang dulot nito.

May mga nakatagong CCTV camera naman sa paligid nito para sa seguridad at kapakanan ng mga turistang bumibisita dito at magiging aware ka sa mga ito dahil sa may malaking karatulang nagsasabi na meron ngang ganun sa paligid nito.

Napaka-sarap maglibot sa loob ng eco park na ito dahil na rin sa maaliwalas ang paligid at para ka lang namumuhay noong unang panahon sa isang kagubatan na ang paligid ay puro puno at halaman kasama ng malinis na hangin na malayo sa ingay at polusyon sa syudad.

Napreserved pa nila ang kabuuan ng forest na ito na talaga namang hindi mo palalampasin na mapuntahan dahil na rin sa kanyang angking ganda at linis. Kaya naman madalas itong kasama sa mga bucket list ng mga turistang pumunta dito sa bansang Malaysia.

Sa paglilibot mo sa loob nito ay makakakita ka ng ilang mga unggoy na namumuhay sa ibabaw ng mga puno na kanilang natural habitat sa loob ng forest na ito.

Katapat lang nito matatagpuan ang isang walk way gallery na tinawag nilang The Heart of Borneo kung saan ipinapakita ang Malaysia noong unang panahon kasama ang kanilang mga kultura at pamumuhay.

Libre lang ang pagbisita at pamamasyal dito sa KL Forest Eco Park at and isa sa pinaka-panghatak nila ng mga turista dito ay ang mga Canopy Walk. Ito ay isang wood at steel aerial bridge na may taas na 200 meters kung saan pwede kang maglibot gamit ang walk way bridge na ito.

Sa bawat dulo ng mga walk way bridge na ito ay mararating mo ang mga bridge towers sa itaas na nag-aalok ng mga nakamamanghang tanawin ng Menara KL Tower, at ang skyline ng lungsod na Kuala Lumpur.

Mula din dito ay tanaw mo na ang napakatayod na Menara KL Tower at kay gandang maging isang background view mula sa ibaba at habang nasa loob ng forest na ito. Kaya hindi mo talaga dapat palampasin na pumasyal dito habang ikaw ay nandito sa Malaysia lalo na sa lungsod ng Kuala Lumpur.

Ito ang ika-limang parte ng aming paglilibot dito sa bansang Malaysia at isa ito sa pinaka-maaliwalas, tahimik at magandang lugar na aming napuntahan sa bansang ito. Kaya kung kayo ay pupunta sa bansang ito ay ‘wag ninyong kalimutang isama ang lugar na ito sa inyong travel list dahil hindi kayo manghihinayang na napuntahan at napasyalan ninyo ang lugar na ito.

Nawa’y naibigan ninyo ang mga nakita ninyo sa lugar na ito at abangan ninyo ang marami pang lugar na aming napuntahan dito sa bansang Malaysia. Magandang gawin ang pagtravel sa mga ganitong lugar upang mapahinga ang utak natin sa mga stress ng buhay at ma-refresh tayo lalo na ang ating katawan at isipan ng sa gayon ay humaba pa ang ating buhay at magawa ang ganitong travel habang tayo ay malakas pa.

Malaysia Tour – Part 4: The UpsideDown House

Isa pa sa magandang puntahan sa Malaysia ay ang “UpsideDown House” bilang isang side tour o yung tipong dadaanan mo lang s’ya dahil kalapit lang s’ya ng pupuntahan ninyong lugar. Nakakatuwa din ang spot na ito dahil lahat halos ng makikita mo nakabaliktad.

Isa ito sa mga pinakabagong atraksyon o pasyalan na matatagpuan sa Menara, Kuala Lumpur, Malaysia. Ito ay itinayo noon lang taong 2016 at gamit ang konsepto ng “Cottage House” na may isang antigong sasakyan na “Morris 1974” na nakabitin ng pabaliktad sa kanyang pasukan.

Nagbibigay ito ng isang bagong karanasan kung saan hindi lamang ang bahay, ngunit ang lahat ng mga kasangkapan sa loob ng bahay na ito ay baligtad. Narito ang isang leaflet na binigay sa amin na magpapakita kung anong araw at oras sila bukas sa publiko para pasyalan.

Hindi na namin nagawang pasukin ang loob ng UpsideDown House na ito dahil sa kakulangan ng oras at dahil hindi naman talaga ito ang aming talagang pupuntahan kaya dinaanan na rin namin ito dahil malapit lang naman sa aming pupuntahan talaga.

Sa labas pa lang kasi ay matutuwa ka na sa iyong makikita dahil na rin sa kakaibang pakulo ng mga nakaisip nito para gawing baliktad ang lahat sa labas man o sa loob ng bahay at pati mismo ang nasabing bahay na ito.

Kaya naman kahit dumaan ka lang dito ay okay na at magpakuha ng pictures para maging isang souvenir at marahil sa susunod na pagbalik dito ay papasok na kami sa loob para mamalas din ang kakaibang feeling na nasa loob ng isang baliktad na bahay at kasangkapan.

Talaga namang hindi mo palalampasin na madaanan ang lugar na ito dahil na rin sa makukulay na itsura ng baliktad na bahay na ito na kahit sa malayo ay kay gandang maging background sa mga litratong iyong makukuha.

Ang dalawang palapag na bahay na ito ay may taas na 6.1 meters at ang kabuuang lugar na nasasakupan nito ay nasa 2,000 square feet. Tumagal ng tatlong buwan upang makumpleto ang scenery na ito.

Ayon kay Datuk Anuar A. Rahman na isang marketing manager ng The Star sa Malaysia, ang pang-araw-araw na bilang ng mga bumibisita sa UpsideDown House na ito ay umaabot sa higit na 400 katao na binubuo ng kapwa domestic at dayuhang turista.

Kahit sa labas ka lang ay matatanaw mo na lalo na iyong nakabaliktad na bisikleta sa entrance ng isang nakabaliktad na bahay na mapapaisip ka kung paano ka papasok sa loob ng bahay na ito dahil ang entrance ay nakabaliktad din.

Kaya naman inaalalayan ko ang sasakyang ito na isang Morris 1974 at baka bumagsak sa kanyang pakaka-park ng pabaliktad na animo ako’y isang superhero na kayang saluhin ang ganito kabigat na sasakyan. Nakakatuwa dahil kahit hindi mo na pasukin ang loob at sa labas pa lang ay bibigyan ka na ng kakaibang feeling na magiiwan ng ilang katanungan sa iyong isipan kung paano kaya mamuhay ng pabaliktad.

Ito ang ikaapat na parte ng aming paglilibot dito sa bansang Malaysia at isa ang UpsideDown House na mairerekomenda kong magandang puntahan at hindi dapat palampasin na madaanan o isama sa inyong bucket travel list habang nandito sa Kuala Lumpur.

Sana’y naibigan ninyo ang inyong mga makita at nagbigay idea sa inyo kung anong lugar dito sa Malaysia ang pwede ninyong puntahan at pasyalan na talaga naman magbibigay kasiyahan sa inyong pamamasyal.

Malaysia Tour – Part 3: The Petronas Twin Towers

Isa sa pinakasikat na pasyalan at isa sa famous landmark ng Malaysia ay ang Petronas Twin Towers na matatagpuan sa capital city na Kuala Lumpur. Ito ang tallest buildings in the world mula noong taong 1998 to 2004 hanggang malampasan ng Taipei 101.

Ito ay dinisenyo ng isang Argentinian architect na si César Pelli na sinimulang itayo noong March 1, 1993 at una itong binuksan sa publiko ng Prime Minister ng Malaysia na si Tun Dr. Mahathir bin Mohamad noong August 1, 1999.

Sa entrance pa lang ng building na ito ay mapapahanga ka na sa ganda ng kanyang architectural design na pinaganda pa ng Malaysian flags sa magkabilang gilid nito.

Sa loob naman nito ay mayroong masarap kainan na madalas naming kainan noong kami ay nasa bansang Qatar pa at ito ang Nando’s. Masarap kumain sa resto na ito dahil sa kanilang mga original spices and recipes na talaga namang babalik-balikan mo lalo na ang kanilang specialty na Espetada.

Sa taas nitong 451.9 meters o 1,483 feet ay talagang manliliit ang mga taong nasa baba nito pero kay gandang pagmasdan ang twin towers na ito mula sa ibaba kaya naman marami ang sa lugar na ito ay nagpapakuha ng kanya-kanyang mga selfie pictures.

Napakagandang pagmasdan ang skyscaper na ito mula sa ibaba na halos parang ikaw ay napapagitnaan ng dalawang malahiganteng robot na pinakikinang at pinatitingkad ng liwanag buhat sa mga ilaw nito.

Kaya naman kay sarap magpakuha ng litrato habang ikaw ay nasa ibaba nito at ang anggulo ay kay gandang pagmasdan mula sa ibaba na pinatitingkad pa ng mga liwanag ng twin towers na ito.

Narito rin sa area ng Suria KLCC, Petronas Twin Towers ang Petrosains Discovery Center na isang Malaysian science and technology museum na itinatag noon pang March 25, 1995.

Sa di kalayuan naman ay matatanaw ang main building ng Public Bank na sa malayo pa lang ay mamamangha ka na sa aking ganda ng kanyang disenyo na lalo pang pinagaganda ng kanyang magarang kulay at pinaliliwanag ng maraming ilaw.

Sobrang ganda tingnan sa background ang Petronas Twin Towers na ito kaya naman ang karamihan ng nagpupunta dito ay hindi palalampasin ang pagkuha ng pictures sa iba’t ibang anggulo ng skyscraper na ito.

Kaya naman hindi mo dapat palampasin na magkaroon ng sarili mong selfie picture sa iconic structure na ito dito sa bansang Malaysia. Kaya naman ang Petronas Twin Towers ay isa sa mga talagang pinupuntahan ng mga tao mapa-turista man o lokal.

Kaya naman kung pupunta ka dito ay asahan mo na ang maraming tao mapa-umaga man o gabi dahil sa ganda ng lugar na ito lalo na ang Petronas Twin Towers. Mas maganda rin s’ya kung magpupunta ka dito sa gabi dahil nga sa makukulay na liwanag ng mga pailaw maging sa baba o sa kabuuan ng skyscaper na ito.

Ito ang ikatlong parte ng aming paglilibot dito sa bansang Malaysia at isa ito sa napakagandang puntahan na hindi dapat mawala sa iyong bucket list kung ikaw ay mapapasyal sa bansang ito.

Nawa’y naibigan ninyo ang mga pictures namin dito sa Petronas Twin Towers at sana’y nakapagbigay ito ng ilang kaalaman patungkol sa isa sa mga magandang pasyalan lalo na dito sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Malaysia Tour – Part 2: Merdeka Square

Isa pa ang Merdeka Square sa mga magagandang lugar na di mo dapat palampasin na mapuntahan kapag ikaw ay mamamasyal dito sa bansang Malaysia. Isa ito sa mga sikat na tourist destination na dinarayo ng maraming tao mapa-turista man o lokal sa bansang ito.

Late na kami nagpunta dito dahil pinahupa muna namin ang maraming taong pumapasyal sa lugar na ito para hindi masyadong crowded at makapamasyal kami ng maayos at magkaroon ng magaganda souvenir photos na di karamihan ang tao sa paligid.

Isa sa mga pinakamatandang lugar na matatagpuan sa Kuala Lumpur, Malaysia ang Merdeka Square na kilala din bilang Independence Square dahil sa lugar na ito kauna-unahang itinaas ang bandila ng Malaysia noong August 31, 1957 para sa kanilang kalayaan.

Napakaganda ng paligid ng Merdeka Square dahil anumang anggulo ay mayroong mga tourist spot na makikita sa paligid nito at dito rin sa lugar na ito ginaganap ang taunang Merdeka Parade o yung tinatawag nilang National Day Parade.

May mga designated area din para sa mga taxi at bus kung ikaw naman ay pauwi na at magaabang ng masasakyan tulad na lang nitong parte ng area na ito ng Merdeka Square.

Maraming mga historical buildings ang makikita sa palibot ng Merdeka Square na talaga namang nagpapamalas ng angking ganda sa kanilang mga architectural designs at ang karamihan sa mga ito ay naitayo pa noong mga unang panahon.

Isa na dito ang kilala at sikat na Sultan Abdul Samad Building na nasa aking likuran sa picture na ito. Isa itong late century building na nasa harap lang mismo ng Merdeka Square na ginawang bahay opisina ng mga British colonial administration. Una itong itinayo noon pang September 1894 at nakumpleto noong taong 1897.

Ipinangalan ito sa Sultan ng Selangor na si Sultan Abdul Samad na namuno noong taong 1974. Na-preserved nila ito ng maayos at makikita naman sa angking ganda nito sa kabuuan na pinatitingkad at pinaliliwanag ng kanyang mga ilaw. Ngayon nga ay ginawa na itong opisina ng kanilang Ministry of Information, Communication at Culture of Malaysia.

Sa lawak at haba ng Sultan Abdul Samad Building na humigit isang hektarya ay sakop na nito ang makabilang dulo ng dalawang malaking road intersections. Orihinal na dinisenyo ito ni A.C. Norman at kanyang assistant na si R.A.J. Bidwell at hango sa istilo na isang Classical Renaissance.

Hindi maipagkakailang isa ito sa pinaka-main attaction dito sa Merdeka Square na sa kabila ng kanyang kalumaan ay nagawa nilang ma-preserve ang kanyang disenyo at angking ganda kaya naman hindi mo talaga palalampasin na magkaroon ng picture kasama ang isa sa mga oldest building sa Malaysia.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit magandang mapuntahan ang Merdeka Square ay dahil dito nakalagak ang Kuala Lumpur City Gallery. Katabi lang at sa kanan mismo ng Merdeka Square at sa labas lang ng Kuala Lumpur City Gallery ay makikita ang iconic structure na I ♥ KL kung saan napakaraming tao ang nagpapakuha ng kani-kanilang mga selfie pictures.

Wala ng masyadong tao ng mga oras na iyon kaya hindi masyadong crowded sa palilibot namin dito sa Merdeka Square pati na dito sa Kuala Lumpur City Gallery kaya nagagawa naming magpa-picture ng walang nagaantay sa paligid na gusto ring mapa-picture sa iconic structure na ito.

Ito ang ikalawang parte ng aming paglilibot dito sa bansang Malaysia at isa ito sa mga hindi mo dapat palampasin na mapuntahan kung ikaw ay mapupunta sa bansang ito. Abangan n’yo pa sa mga susunod na mga posts ko ang ilan pa sa mga lugar na napuntahan namin sa aming tour dito sa bansang Malaysia.

Nawa’y naibigan ninyo ang parteng ito ng aming pamamasyal at magsilbing gabay sana ito para makita ninyo base sa aming paglilibot kung anu-anong mga lugar ang magandang puntahan sa Malaysia. Muli maraming salamat sa pagdaan ninyo dito sa aking blog site.

Malaysia Tour – Part 1: The Batu Caves

Isa pa sa mga napuntahan ko ng bansa na malapit lang din sa Pinas ay ang Malaysia. Tatlong oras lang mula sa Pinas by plane ay mararating mo na ang Malaysia at dito nga sa Batu Caves ang una sa mga lugar na aming pinuntahan.

Isa sa mga sikat na tourist attractions sa Malaysia ay ang Batu Caves. Gawa sa natural na limestones ang burol na ito ay maraming kweba sa taas at pinakaloob nito na matatagpuan sa lugar ng Gombak, Selangor, Malaysia.

Nakuha ang kanyang pangalan sa isang Sungai Batu na ang ibig sabihin ay Stone River kung saan ang river na ito ay dumadaloy din sa pagitan nito. Isa ito sa pinaka-popular na Hindu shrine sa labas ng bansang India at dedicated kay Lord Murugan.

Ayon sa history, humigit kumulang sa 400 million years old na ang limestone hill na ito at ang mga caves dito ay dating tirahan ng mga indigenous Temoun people noong unang panahon.

Kung mapapansin mo na napakaraming temple ang nasa paligid nito at mamaya maging sa loob ng mga caves sa itaas ng burol na ito ay marami ding temple ang makikita. Malaya ding nakakagala ang mga kalapati sa ibaba kasama ng maraming mga turista.

Matutuwa ka sa ganda ng mga architectural designs ng bawat temple na matatagpuan sa baba pa lang ng Batu Caves kaya naman maging sa baba nito ay marami ng tao ang kumukuha ng kani-kanilang mga pictures.

Sa entrance na paakyat sa itaas ng Batu Caves ay bubungad na sa ‘yo ang makulay at mala-kaharian na gate paakyat patungo sa mga kweba nito sa itaas.

Kaya pagpasok mo dito ay ihanda mo na ang sarili mo sa matarik na mga steps ng hagdanan patungo sa pinakataas na parte ng burol na ito. Kailangan lang mag-ingat dahil nga sa pagiging matarik nito na baka madulas ka ay siguradong sa baba na ang punta mo.

Kailangang akyatin ang matarik at humigit kumulang 272 steps ng hagdan nito para makarating sa pinakataas kaya dapat ay magdala ka na ng tubig dahil siguradong pagpapawisan at hihingalin ka sa pagakyat mo dito.

Mula sa gitna ay makikita mo sa ibaba ang iba’t ibang temple na iyong pinanggalingan kani-kanina lamang. Sobrang makukulay ang mga temple na ito na puno ng iba’t ibang mga Hindu statues.

Sa pag-akyat mo sa matarik na handan patungo sa taas ng Batu Caves ay marami kang makikitang unggoy sa paligid na nagaabang sa mga turista para sila ay bigyan ng kung anong makakain. Medyo kailangan mo lang mag-ingat dahil medyo may kakulitan ang ilan sa kanila at ang iba sa kanila kadalasan ay aagawin na lang basta ang sa tingin nila ay kanilang makakain.

Noong August 2018 ang 272 steps ng hagdan paakyat sa Batu Caves ay pininturahan ng mga extra ondinary colour scheme na kung saan ang bawat set ng mga steps ay may kanya-kayang kulay para mabigyan ng buhay at gumanda sa paningin ng mga turista habang sila ay papaakyat sa pinakataas ng burol na ito.

Kapag narating mo naman at natapos ang 272 steps ng hagdan ay sulit naman dahil pagtingin mo sa ibaba ay napakagandang pagmasdan ang higanteng statue ni Lord Murugan pati na ang kabuuan ng paligid nito sa baba.

Pagpasok mo naman sa loob ng cave ay bubungad pa rin sa ‘yo ang mga temple tulad na lang nitong Sri Idumban Temple kung saan ayon sa Hindu mythology si Idumban ay isang great devotee ni Lord Murugan.

Nasa sentro naman papasok ng cave makikita ang maliit na statue ni Lord Murugan para i-welcome ang mga turista bago pumasok sa main cave dito sa taas ng Batu Caves.

Kung wala ka namang dalang tubig o pagkain pag-akyat mo dito sa Batu Caves ay meron namang maliit na tindahan kung saan pwede kang bumili ng konting snack at tubig para mapawi ang uhaw at gutom mo sa pag-akyat dito at para na rin makapagpahinga bago pumasok sa loob ng mga kweba.

Sa bungad pa lang ng kweba ay makikita mo na ang nakamamanghang larawan nito sa kabuuan lalo na ang mga limestones formation sa loob ng paligid ng kwebang ito.

Pagpasok mo sa main cave ay bubungad din sa ‘yo ang Sri Velayuthar Temple. Ito ang pinaka-main temple sa loob ng Batu Caves. Kapansin-pansin ang isang statue na tulad ng isang sikat na uri ng manok sa atin sa Pinas, ang Sarimanok.

Kapansin-pansin din sa loob ng kwebang ito ang mataas na temple na ito na puno ng mga Hindu statues at sa makulay nitong istraktura ay talagang mapapahinto ka para magpakuha ng litrato kasama s’ya.

Sa di kalayuan ay makikita mo na ang isa pang makukulay na hagdan patungo naman sa mas mataas na iba pang parte ng Batu Caves at ang lagusan papunta sa iba pang mga kweba.

Makikita mo na paruot-parito ang mga turista sa loob ng Batu Caves at kanya-kanyang pwesto para makakuha ng kani-kanilang mga selfie pictures dahil bawat lugar ay may hindi matatawarang ganda.

Pagakyat mo naman sa susunod na parte ng kweba ay sasalubong sa ‘yo ang sinag ng araw mula sa itaas na nagmumula sa bukas na parte ng kweba. Kaygandang pagmasdan ang liwanag na ito na nagsisilbing ilaw at liwanag sa loob ng kweba.

Kay gandang pagmasdan ang kabuuan ng kweba mula sa pinakamataas na parte sa loob ng Batu Caves. Sobrang nakaka-amaze ang feeling kapag nakita mo na ikaw ay nasa loob ng napakalaki at napakalawak na kweba.

Dito rin sa loob ng kweba makikita mo ang iba’t ibang limestones formation na hinulma na ng panahon dahil na rin sa 400 million years nitong edad.

Marami ka rin makikitang statues sa paligid ng mga walls sa loob ng kweba kung saan ipinakikita ang mga sinaunang pangyayari patugkol sa kanilang mga kultura at relihiyon.

Paglabas mo ay muling sasalubong sa ‘yo ang kabuuan ng pinanggalingan mo sa ibaba mula sa itaas lalo na ang napakalaki at napakataas na statue ni Lord Murugan.

Kaya dapat ihanda mong muli ang iyong sarili sa pagbaba naman sa 272 total steps ng hagdan pababa dahil siguradong hingal at pagod ang muling sasalubong sa ‘yo. Pero dito ay mas kailangan mong maingat dahil na rin sa pagiging matarik ng hagdan na ito para na rin maiwasan ang anumang aksidente o disgrasya.

Ang 42.7 meters (140 ft) na taas ng statue ni Lord Murugan ay unang pinasinayaan noong January 2006 pagtapos ng mahigit tatlong taong pagtatayo nito. Ito ngayon ang pinakamataas na statue ni  Lord Murugan sa buong mundo.

Ito ang unang parte ng aming tour dito sa bansang Malaysia at marami pa kaming lugar na pinuntahan sa bansang ito na dapat ninyong abangan sa mga susunod kong mga posts. Isa ito sa mga pinaka-magandang lugar na hindi mo dapat palampasin na mapasyalan kung sakali man na ikaw ay pupunta sa bansang Malaysia.

Sana’y naibigan ninyo ang mga nakita ninyong mga pictures at kwento ko patungkol sa aming unang libot dito sa bansang Malaysia. Sana’y maging guide ang mga post kong ito para makita ninyo kung anu-anong mga lugar ang magandang puntahan sa mga bansang akin nang napuntahan. Muli maraming salamat sa pagdaan dito sa aking blog site.